Ano ang “Metapisika ng Pagibig”?
Unti unting nagbalik tanaw sa aking isipan ang mga pinagdaanan ko sa isang paksang nagawan na ng milyong milyong kanta, bilyong bilyong tula, telenovela, drama at kung ano ano pang abubot na mabibili sa greenhills at divisoria... ang pag-ibig.
Hindi ko makakaila na ako’y umibig at inibig nadin nang ilang beses sa tala ng buhay ko. Ang iba’y nagbigay ng kasiyahang akala ko’y hindi na matatapos pa, ang iba nama’y hindi man ganoon kaganda ang aking naranasan ay masasabi ko na ito’y pawang leksyon ng poong Maykapal para ako’y mamulat sa mga bagay bagay at higit sa lahat matuto sa mga ito. (Nagsisimula na ba akong maging makata?!) Nagpapasalamat ako sa Diyos, na kahit halos lahat ng aking pinagdaanan sa pag-ibig ay hindi kanaisnais masasabi ko na iyon ang dahilan kung bakit ako ngayon ay mas naging mabuti, malakas at di hawak na gumanda't sumexy pa. Ang tao daw ay umiibig at iniibig na may kahambing na dialogo sa karanasang ito. Ang tao kung umibig hindi dapat ang puso o emosyon lamang ang pinapairal datapwat nagiisip din ito sa pamamagitan ng kanyang intelekwal na kapasidad. Para sa blog na ito, naisipan kong maglahad ng isa sa mga ekspiryensyang pagibig na nakapagpabago sa aking pananaw ukol dito at nagpabago sa akin bilang tao.
Umibig ako noon, sa isang taong hindi ko inakalang makakagawa ng mga bagay na hindi ko inasahan. Umibig ako sa isang kaibigan, bago ko pa aminin sa kanya ang aking nadarama ay sobra na ang aming mga pinagdaanan bilang magkatoto. Para kaming “bestfriends” noon, lagi kaming magkatext at nagkwekwentuhan tungkol sa mga bagay bagay na nangyari sa araw namin o kung ano man ang pumasok sa aming mga isipan, araw-araw kaming nagkikita sapagkat pareho ang unibersidad na aming dinadaluhan at ang masaya pa dito ay blockmates pa kami. Sabay din kaming kumakain, maalaga kami sa isa’t isa at higit sa lahat “sweet” daw kami sabi ng iba naming kabarkada. Ako ay isang bakla o kabilang sa pangatlong hanay ng sexualidad sa lipunan at siya naman ay ang tinatawag na “straight” o heterosexual sa ingles. Marami ang hindi makapaniwala sa mga nakikita nila dahil isang bakla at straight na tulad namin ay parang higit pa sa magkaibigan ang pagtitinginan; magkapatid man o magbestfriends o para sa iba ay binansagan kaming “secret lovers”. Siyempre, ako ay masaya at paminsa’y kinikilig kapag kami ay tinutukso ng iba. Siya naman ay tahimik at pangit-ngiti na lamang. Hindi kami nagkakailangan dahil para samin, kami ay tunay na magkaibigan. Maraming araw at buwan na ang lumipas, hindi ko na maitago ang nararamdaman ko sa kanya. Isang araw ay buong puso kong inamin sa kanya ang tibok ng aking puso. Hindi siya nagulat sa sinabi ko, sapagkat ayon sa kanya ay napansin na daw niya dati pa, tinikom na lamang niya ang kanyang mga labi para hindi magkailangan at masira ang pagkakaibigan. Pinagusapan namin ng mabuti ito, at sa huli ay napagdesisyunan namin na maging magkaibigan na lamang at wala ng hihigit pa. Naintindihan ko ang pasya niya sapagkat mahirap nga naman ang umibig at magkarelasyon sa isang baklang gaya ko. Pagkatapos ng usapan ay walang ilangan na nangyari ngunit napansin ko ang pagbabagong hindi ko inaasahan. Doon na nagsimula ang pagkasira ng aming pagkakaibigan ngunit hindi ito naging dahilan para mawala ang pagtingin ko sa kanya. Siya ay nagging abusado, dahil alam nga niya na mahal na mahal ko siya. Ginamit niya ito para makuha ang kanyang mga kagustuhan. Kumbaga ako ay nabulag sa aking nararamdaman sa kanya; ang buhay ko ay alinsunod sa kanyang mga kagustuhan at mga desisyon. Lahat ng sinabi niya ay ginawa at tinupad ko, lahat ng gusto niya ay sinunod ko. Sa panahong ito, ako ay nagmistulang alipin ng isang makapangyarihang hari na may hawak ng buhay ko. Hindi ko siya napagisipan ng masama kahit ganoon pa ang ginawa niya sakin, kahit ganoon pa ang pinagdaanan ko sa kanya. Naging sakim siya, parang hindi na siya ang taong nakilala ko, hindi na siya ang “bestfriend” ko. Napansin ng ilan naming mga kaibigan ang sitwasyong dinaranas ko noon, tinawag nila akong martyr at higit sa lahat TANGA. Ano ba ang magagawa ko noon? Mahal ko siya ng buong puso at handa akong gawin lahat para sa kanya! Ako ay parang ibong nakakulong sa kanyang howla o isang aliping nakarehas ang mga kamay at hindi makawala sa kanyang mga bitag. Nagalit ang mga kaibigan namin sa kanya, dahil sobra na ang kanyang mga pinaggagawa at dahil dito tinulungan nila akong makawala sa madilim at malakalbaryong karanasang iyon. Ngunit sila ay nabigo. Nagtagal pa ng dalawang taon ang mga pangyayaring ito. Binigo ko ang aking mga kaibigan at ang mga taong may malasakit sa akin ngunit higit sa lahat ay binigo ko ang sarili ko. Hindi ko na alam ang aking gagawin noong mga panahong iyon, ang gusto ko lamang ay mahalin niya din ako pabalik tulad ng pagmamahal at mga sakripisyong ginawa ko para sa kanya. Kinausap ko ang Diyos kung bakit ko ito pinagdaanan, kung bakit niya ako nilagay sa sitwasyong ito, kung bakit ako pa ang napili niyang masaktan ng ganito, kung bakit ako pa sa lahat ng tao. Nagdasal ako, humingi ng lakas ng loob, malawak na paguunawa at pasensya at higit sa lahat kapatawaran para sa kanya at para nadin saakin. Hindi nagtagal, unti unti akong bumangon at kumalas sa rehas na pumipigil upang ako ay makawala sa kanya. Sa tulong muli ng Diyos at ng aking mga kaibigan, dahan-dahan at sama-sama namin nalampasan ang parte ng buhay kong ito. Ngayon, na ako’y malaya na… naiintindihan ko na ang nais iparating ng Diyos sa akin. Na ang pag-ibig ay hindi lagi kung ano ang ninanais ng tao, na ang pag-ibig ay hindi laging naibabalik sa tao dahil ang pinaka wagas na pagibig sa buong mundo ay ang pagibig na ibinigay ko sa kanya at ni Jesus sa sanlibutan, at ito ay ang tinatawag na “unconditional love”. Bilang tao, napagtanto ko na hindi dapat ang puso at emosyon lamang ang pinapairal pag nagmahal o umibig sa iba sapagkat minsan ito ang dahilan kung bakit nagbabago ang pananawa natin sa buhay, dahil nabubulag tayo sa katotohanan at realidad. Dapat ay maging matalino din tayo ukol sa paksang pagibig at higit sa lahat ito ay pinagiisipan ng mabuti.
Ang Metapisika ng pagibig ay nagpapahayag ng isang importanteng kaalaman sa lahat ng taong umiibig at iniibig. Ito ay ang ideyang: nararapat lamang umibig ang isang tao sa iba ngunit sa paraang hindi mawawala ang pagibig niya sa kanyang sarili. Sa maiksing salita, mahalin mo ang sarili mo higit sa sino man at bigyan mo ito ng sapat na importansya dahil ang “ako” o “ikaw” ang natatanging meron ka sa mundong ito na hindi kailan man mawawala sa atin.
No comments:
Post a Comment